Matagumpay na ipinagdiwang ngayong araw ang kauna-unahang Barangay Day, isang makasaysayang pagdiriwang na nagbibigay-pugay sa mahalagang papel ng mga barangay sa pagsusulong ng maayos, tapat, at episyenteng pamamahala sa bayan.
Pinangunahan ng Punong Bayan Nestor D. Natanauan kasama ang Ikalawang Punong Bayan Francis M. Magsino kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang nasabing programa bilang pagkilala sa hindi matatawarang ambag ng mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran, pagpapanatili ng kaayusan, at paghahatid ng serbisyong publiko sa bawat sulok ng bayan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, isinagawa ang paggagawad ng plake ng pagkilala sa mga Punong Barangay at Barangay Kagawad na nasa kanilang ikatlong termino, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, walang sawang paglilingkod, at malaking ambag sa pag-unlad ng kani-kanilang pamayanan.
Nagkaloob din ng sertipiko ng pagkilala sa mga barangay na nagpakita ng kahusayan sa administratibong pamamahala, kabilang ang mga kinilala para sa Timely and Updated Submission of Reports, gayundin ang mga barangay na nagpakita ng Timely and Consistent Submission of Financial Documents. Ang pagkilalang ito ay patunay ng kanilang malasakit sa transparency, accountability, at maayos na pamamahala.
Ang kauna-unahang pagdiriwang ng Barangay Day ay sumasalamin sa patuloy na pagpapahalaga ng Bayan ng Talisay sa sipag, sakripisyo, at dedikasyon ng mga opisyal ng barangay na nagsisilbing unang sandigan ng serbisyo publiko sa komunidad.



0 Comments